WATCH! 13 Nigerian "Love Online" Scammers sa Pinas, Arestado sa Cavite!

Mahilig ka bang makipagkaibigan sa social media? Naranasan mo na bang makipag-usap sa taong hindi mo personal na kakilala? Kabayan, maging maingat at alerto, baka ikaw ay maloko!

Sa isang bahay sa Imus Cavite, arestado ang 13 Nigerian nationals sa isang entrapment operation na isinagawa ng Imus Police, ayon sa ulat ng GMA News. Tinangka pang magtago ng ilang dayuhan subalit sa mabilis na pagkilos ng mga pulis ay nahuli silang lahat, na ang iba ay dinatnan pang natutulog. Agad na pinadapa at pinosasan ang mga ito. Umiiyak at lumuhod pa sa takot ang sinasabing lider ng grupo nang makaharap ang mga awtoridad, at iginigiit na wala umano silang ginagawang masama.

Ayon sa pulisya, ang mga nasabing Nigerian nationals ay mga "online scammers" na pumasok sa bansa noong nakaraang taon bilang "foreign students". Ang modus, nagpapanggap ang mga ito bilang mga sundalong Amerikano gamit ang pekeng Facebook Accounts. Pagkatapos, maghahanap sila ng mga mabibiktimang Pilipina sa social media at ilan pang online dating sites. May mga Pilipinong kasabwat din daw ang mga nasabing suspek.

"Kung sino 'yung medyo soft target nila o 'yung kumakagat, then liligaw-ligawan na nila. Then after that, papadalhan kita ng package, or item or regalo, gaya nung isang biktima rito, pinangakuan ng laptop, ng ipad, ng cellphone. Pero dun daw sa loob ng laptop, merong 15,000 dollars,"saad ni P/Supt. Audie Madrideo, Chief of Police ng Imus Cavite.

Kaaagad daw ipinapasa ng mga Nigerian na ito sa kanilang mga kasamang sindikato sa bansang kinaroroonan ng mga biktima ang sinumang kakagat sa kanilang patibong.

Nasabat sa laptop ng mga suspek ang mga pangalan at address ng mga nabiktima ng kanilang sindikato, na iba't ibang lugar ang pinagmulan. Mayroong taga-Cebu, Iloilo, Nueva Ecija at Metro Manila. Narekober din sa mga ito ang ilang gadgets, passports at iba pang dokumentong ebidensya sa modus ng mga suspek. Positibo rin silang itinuro ng mga nagpakilalang complainant at sinasabing mga dating nobyang "nabiktima" nila.

Paalala ng pulisya, maging maingat sa paggamit ng social media. Nanawagan din sila na huwag umanong agad na magtiwala at i-add bilang kaibigan sa Facebook ang mga taong ni hindi personal na kakilala at nakita lamang online.

Mga kapatid, bukod sa pagiging maingat, maging matalino po tayo lalo na sa panahon ngayon, kung saan nagagamit na rin ang teknolohiya sa panloloko ng kapwa.

Source: GMA News

Comments