Pulis, Tumulong sa Isang Batang May Cleft Para Mabigyan ng Libreng Operasyon!

Loading...

Kadalasan, kapag ang buhay natin ay nalalagay sa panganib o gulo, ang unang pumapasok sa isip natin ay ang paghingi ng saklolo sa ating mga kapulisan. Ngunit, higit pala sa pagresponde, may mga pulis pala tayong handang tumulong nang lampas pa sa kanilang makakaya, at higit pa sa responsibilidad na iniatang sa kanila bilang mga alagad ng batas.

Isang mabuting halimbawa nito si PO2 Jeffrey Cruz ng Caloocan City Police. Sa kanyang social media post noong nakaraang May 13, mababasa ang paghingi niya ng suporta upang matulungan ang isang batang aniya'y masayahin, bagama't may "cleft palate" na nakita niya habang siya ay nagpapatrolya sa Navotas. Nakilala ang batang si Arnel Mendoza, 10 taong gulang. Kinuhanan niya ito ng litrato at ipinost sa kanyang Facebook Accouunt, sa pag-asang may mga tao at institusyong makakatulong sa bata.

Loading...

Nagbunga naman ang panawagan ni Cruz. Ayon sa ulat ng GMA News, sasagutin na umano ng isang doktor na school mate ni Cruz ang operasyon sa bata. Libre umano lahat ng gamutan ni Arnel sa doktor na si Jim Sanchez, at nakatakda nang operahan si Arnel sa darating na Hunyo 20.

Ayon kay Cruz, naantig umano ng ngiti ni Arnel ang kanyang puso at nais niya raw talaga itong matulungan.

"Sabi ko, pwede ba kitang picture-an? Kasi nurse ako, baka may makatulong sa'yo. Sabi ko lang sa kanya, gusto kitang tulungan. Ayoko nang mabu-bully ka," saad ni Cruz.

"Maliit man o malaki, basta matulungan natin 'yung kapwa natin, okay na 'yun,"dagdag pa ni Cruz.

Saludo kay Cruz ang Chief of Police ng Caloocan dahil sa kabutihang-loob na ipinamalas nito.

"Mayroon siyang initiative para makapagbigay ng tulong dun sa bata, na kung titingnan mo, wala naman dun sa job description namin 'yun eh," ani Sr. Supt. Restituto Arcangel.

Samantala, labis naman ang tuwa pasasalamat ng mga magulang ni Arnel kay Cruz dahil sa pagtulong nito sa kanilang anak, na isa palang consistent honor student.

"Unang-una, nagulat ako. Akala ko may ginawa siyang (Arnel) kasalanan. 'Yun pala, tutulungan pala niya si Arnel. Salamat din na may tumulong kay Arnel,"masayang saad ng ina ng bata.

Mabuhay po kayo PO2 Jeffrey Cruz! Sana po ay dumami pa ang mga taong kagaya niyo na may busilak na puso.

Source: GMA News| Jepoy Cruz Facebook Post

Loading...

Comments