Pasay Precinct Chief, Sibak sa Pwesto Matapos Tumakas sa Surprise Inspection ni NCRPO Chief Eleazar!

Sa mga panahon na nangangailangan tayo ng saklolo sa gitna ng nakaambang panganib at krimen, pulis ang agad nating tinatakbuhan para rumesponde at tayo ay matulungan. Subalit, paano kung ang mismong hepe ng pulis ang tumakas sa kanyang presinto para lang makaiwas sa inspeksyon ng higit na nakatataas na awtoridad?

Ganito ang eksena kanina sa isang presinto sa Pasay City kung saan nagsagawa ng surprise inspection si NCRPO Director PCSupt. Guillermo Eleazar. Ayon sa ulat ng Presinto 594, tumakas umano sa kanyang presinto si PCI Allan Estrada ng Pasay PCP 1 dahil sa takot na mapahiya. Mapapanood sa video kung paano sinikap ni General Eleazar na mabuksan ang pinto ng opisina ng hepe, subalit napag-alamang wala palang tao roon, at tila sa backdoor pa umano ito dumaan sa kalagitnaan ng inspeksyon.

Nasermunan din ni Gen. Eleazar ang dalawang police officer na naabutan sa presinto, dahil hindi agad makasagot ang mga ito nang tanungin niya kung nasaan ang kanilang hepe. Naiwan pa sa loob ng opisina ang shorts, wallet at dalawang baril ng hindi nadatnang hepe. Hindi rin umano nila ito makontak sa kanyang telepono bagama't ilang ulit nila itong sinubukang tawagan.

Agad na sinibak sa pwesto ang nasabing hepe.

Naiintindihan po namin na bilang mga pulis, tao rin po kayo na nakakaramdam ng pagod at antok dahil sa puyat. Ang mahalaga po ay magampanan niyo nang tama at maayos ang inyong tungkulin bilang alagad ng batas at tagapangalaga ng kapayapaan. Bakit niyo ho ba kinailangan pang tumakas sa simpleng surprise inspeksiyon ni General Eleazar?

Source: Presinto 594/p>

Comments