Noynoy Aquino, Idinepensa ang Epekto ng Dengvaxia!

Sa mga nakalipas na buwan, naging mainit ang usapin hinggil sa isyu ng Dengvaxia. Ilang pamilya na rin ang dumulog sa tanggapan ng Public Attorney's Office na sinasabing ang mga anak nila ay naging biktima ng anila'y nakamamatay na bakuna. Dahil dito, ilang kaso na rin ang naisampa sa mga taong pinaniniwalaan nilang dapat managot sa trahedyang sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay. Isa sa mga nasangkot si Dating Pangulong Noynoy Aquino, na ngayon ay humaharap sa reklamong graft and technical malversation na isinampa laban sa kanya at sa dalawang iba pa, ng Volunteer against Crime and Corruption at ng Vanguard of the Philippine Constitution.

Batay sa ulat ng GMA News, sinabi ni Aquino na wala umanong ebidensya na nakamamatay nga ang kontrobersyal na dengvaxia.

"To this day, wala pang nagpapakita na ang Dengvaxia ay nakamamatay. 'Yung risk, meron 'yung 0.2 perent na binabanggit na baka magka-severe dengue. Ang gain ay yung natira sa 100 percent, 99.8 percent ng population, ay nagkaroon ng proteksyon na at least 30 months,"ani Aquino.

"Sa kabuuan, dahil sa pagbabakuna, 'di hamak na mas marami ang napoprotektahan. Di hamak na mas maraming Pilipino ang nailalayo sa karamdaman,"dagdag pa ng dating Pangulo.

Ayon pa kay Aquino, batay umano sa "efficacy trials" ng dengvaxia, dahil daw sa nasabing bakuna ay bumaba ang rates ng symptomatic dengue, hospitalization dahil sa dengue, at severe dengue. Aniya, ang Pilipinas ay gumagastos ng may P16 bilyon kada taon dahil sa mga kaso ng dengue sa bansa, na batay sa data na kanyang ipinakita ay umabot sa 200,000 noong 2013.

Ang mawalan ng mahal sa buhay ay isang malaking dagok para sa mga naulila. Kaya naman nawa, mabigyan na ng hustisya ang mga naging biktima nito kung mapatunayan, at maparusahan ang totoong maysala.

Source: GMA News

Comments