NEDA, Nagpaliwanag sa 'Trending' na Disenteng Budget: "Halimbawa Lamang ang P10,000"

Loading...

Kamakailan lamang ay naging "trending" sa mainstream at maging sa social media ang isang balita, kung saan ayon umano sa National Economic and Development Authority (NEDA) ay maituturing na disenteng budget na ang halagang P10,000 kada buwan para sa isang pamilya. Iba't ibang opinyon ang hinabi nito mula sa ating mga kababayan, at may ilang netizens pa na gumawa ng "memes" kaugnay nito.

Ngayon, isang paglilinaw ang inilabas ng NEDA sa kanilang social media page hinggil sa nasabing isyu. Paliwanag nila, hindi nila sinabing "disenteng budget" na para sa isang pamilya ang P10,000 kada buwan, bagkus ito umano ay isang halimbawa lamang upang mas madaling maipakita ang epekto ng "inflation rate" sa bansa.

Ganito ang nakasulat sa kanilang post:

Loading...

PAHAYAG NI SOCIO-ECONOMIC PLANNING SECRETARY ERNESTO M.PERNIA

"Nauunawaan at ikinalulungkot ko na may mga taong nadismaya sa ginamit na halimbawa sa press conference noong ika-5 ng Hunyo, 2018. Nililinaw ko po na hindi kailanman nabanggit ng NEDA na ito ay disenteng budget para sa isang pamilya.

Sa nasabing press conference, ginamit ni Undersecretary Rosemarie G. Edillon ang P10,000 bilang halimbawa upang ipakita ang epekto ng inflation rate (pagtaas ng presyo) para sa buwan ng Mayo 2018. Minarapat na gamitin ang P10,000 upang mas madali itong i-multiply (hal. 2X, 3X.. 10X,) depende sa aktwal na budget ng pamilya.

Hindi natin binabale-wala ang katotohanan na maraming Pilipino ang nagsisikap para sa kanilang mga pamilya. Kaya't patuloy na isinusulong ng NEDA ang mga kinakailangang reporma upang maiangat ang antas ng buhay ng lahat.

Inuulit ko po: halimbawa lamang ang P10,000.

Sa kasawiang-palad ay tinawag itong "disenteng budget" para sa pamilya sa isang news report na malamang ay dulot ng maling pagkakaunawa, maling konteksto, o maling pagkakaulat.

Nakikipag-ugnayan kami ngayon sa mga kaibigan natin sa media upang maipaliwanag nang mas mabuti ang economic issue na nakaaapekto sa ating buhay.

Kaisa ang NEDA ng mga pamilyang Pilipinong nagsisikap para sa mas maginhawang buhay."

Ano'ng masasabi niyo rito, mga kababayan?

Source: NEDA Facebok Page Post

Loading...

Comments