Southern Leyte, Idineklarang Drug-Cleared Province!

Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami kung gaano kaigting ang layunin ng pamahalaan, gayundin ng bawat Pilipino na sugpuin ang matagal nang problema sa ilegal na droga sa bansa. Maging ang mismong lugar kung saan isinilang si Pangulong Duterte, ang Southern Leyte, ay minsan nang naapektuhan ng nasabing problema, na ayon sa PDEA ay nagkaroon ng 462 nayon na apektado ng ilegal na droga, bago simulan ang "War on Drugs" ng Gobyerno. Ngayon, masayang ibinalita ng Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs na drug-cleared na ang Southern Leyte, ayon sa ulat ng PTV News.

Aminado umano si PDEA Director General Aaron Aquino na hindi naging madali sa kanila na sugpuin ang ilegal na droga sa nasabing lugar, dahil na rin sa dami ng nasasakupan nito na may limandaang nayon. Ganunpaman, determinasyon umano ang ipinamalas ng mga lokal na opisyal upang magtagumpay sa kanilang layunin. Umaasa umano si Aquino na tutularan ng marami pang probinsiya ang nasimulan nang aksiyon ng Southern Leyte.

Dagdag pa ni Aquino, ilan sa mga kilalang drug personalities ang kusang-loob na sumuko sa mga isinagawang anti-drug campaign ng Philippine National Police, at ilan din naman ang umano'y nahuli sa mga anti-drug operations ng pulisya sa nasabing probinsya.

Unti-unti, dahan-dahan, sana ay dumating din ang Pilipinas sa punto kung saan maipagmamalaki ng mga Pilipino na ang ating bansa ay ligtas, maunlad at "drug-free"!

Source: PTV News

Previous
Next Post »