Publiko, Pinag-iingat sa "Package-Padala Scam"

Loading...

Pamilyar ba kayo sa noo'y kumalat na "Internet Love Scam", mga kababayan? Ngayon ay may bago na namang modus ang mga katawan, kaya't mahigpit na pinaaalalahanan ang publiko na maging alerto at maingat tayo sa mga ganitong klaseng panloloko.

Sa ulat ng PTV News, ipinaliwanag ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal ang isang modus na kung tawagin ay "Package Padala Scam". Dito, karaniwang nabibiktima ang mga netizens na naghahanap ng kanilang makakapareha sa online world. Paniniwalain umano ng suspek, na kadalasan ay banyaga, na magpapadala siya ng package sa taong kakikilala lamang nya online na kunwari'y nakapalagayang-loob na nito. Kapalit ng umano'y ipapadalang package, hihingan ng suspek ang target nitong biktima ng pera at sasabihin nilang pambayad umano ito sa anumang buwis sa customs para makuha ang nasabing "package".

Nitong nakaraan lamang ay isang babae umano ang dumulog sa tanggapan ng Airport Police kaugnay ng nasabing modus. Ayon sa biktimang si Shirley Campones, nakilala niya online ang foreigner na nagpakilalang si Fred Mc Neil. Sinabi raw sa kanya ni McNeil na hinold umano ito sa paliparan ng Turkey dahil daw sa ilang pirasong alahas sa loob ng bagahe nito. Kalauna'y isang text message ang muling natanggap umano ni Campones, mula naman sa nagpakilalang si Miriam Kanoute, isang Mali National na nakatira sa Makati. Nakikipagkita umano si Kanoute sa biktima sa isang restawran sa NAIA, at hinihingan si Campones ng halagang USD11,000 kapalit umano ng package na ipinadala ni Mc Neil.

Mabuti na lamang at naisip ni Campones na maaaring ito ay scam lamang at kaagad niya itong iniulat sa MIAA Airport Police Department (APD), na nagsagawa naman ng entrapment operation para sa suspek.

Kasalukuyan na umanong nasa kustodiya ng APD ang nasabing suspek at patuloy na iimbestigahan. Hinikayat naman ng pamunuan ng MIAA ang publiko na kaagad magsuplong sa kinauukulan kapag may mga kahina-hinalang tao at pangyayari kagaya nito.

Mga kababayan, huwag po tayo basta-bastang maniniwala at magtitiwala sa mga bagong kakilala, lalo na kapag nanghihingi na ng malakihang halaga. Tandaan, ang pera ay pinaghihirapan sa mabuting paraan at hindi natin hahayaang mawala sa isang pagkakamali lamang. Maging mapanuri!

Source: PTV News

Loading...

Comments