Pagkamatay ng 3-Anyos na Bata, Kapabayaan ng Ospital?

Nagpupuyos sa galit, hinagpis at pagtangis ang ilang kaanak sa pagkamatay ng isang 3-anyos na batang sinasabing hindi raw maayos na tinrato sa ospital na pinagdalhan dito.

Sa social media post ng page na "Justice for Charles Kenneth Estrada", makikita ang mga larawan ng yumaong bata at ang mga pahayag na puno ng galit sa mga umano'y doktor ng De La Salle University Medical Center. Ayon sa naturang post, sinabihan umano sila na maliit lamang ang gagawing hiwa sa ulo ng kanilang pamangkin upang mailabas ang tubig mula rito. Laking gulat umano nila nang pagpanaw ng bata ay makita nila ang mahabang tahi nito sa ulo na palatandaan ng ginawang paghiwa rito. Anila, tila "pinagpraktisan" daw ang kanilang pamangkin.

Dagdag pa ng kaanak, hindi umano ipinaliwanag sa kanila ang naging resulta ng mga laboratory tests na ginawa sa bata, gayundin ang eksaktong dahilan ng pagkamatay nito.

Ayon din sa nasabing post, ilang araw umano bago makalabas ng ICU ang bata ay kinausap ng mga kaanak nito ang mga doktor upang kumustahin ang baga nito. Sa salaysay sa post, sinagot umano ng mga doktor na walang plema ang bata. Taliwas sa naunang pahayag na narinig nila, nang mismong araw daw bago mamatay ang bata ay sinabihan silang kailangan na nitong gumamit ng "nebulizer" dahil puno na ng plema ang baga nito at posible pa umanong tubuhan ulit. Maya-maya raw ay nalaman na lamang daw nila na nire-revive na ang bata at dagdag pa ng kaanak, karamihan umano sa nag-revive ay "interns" sa nasabing ospital.

Inilahad din ng kaanak sa nasabing post ang umano'y pagmamakaawa nilang magbayad muna kung ano ang kaya para lang maoperahan ang bata, ngunit sinabihan umano sila na magbigay muna halagang P100k upang maituloy ang operasyon. Nakiusap din daw sila na ilipat na lamang ang bata sa ibang ospital subalit hindi raw agad sila pinalabas ng mga ito haggang sa hindi na nila nailipat ang bata at doon na nga binawian ng buhay.

Hustisya ngayon ang isinisigaw ng mga kaanak ng bata, at ayon pa sa kanila, pati sa death certificate ay naging pahirapan ang pagkuha, dahil hinihingan pa umano sila ng 10 libong piso para rito.

Wala pang opisyal na pahayag ang nasabing ospital hinggil sa reklamo sa nasabing post laban sa kanilang tanggapan.

Source: Justice for Charles Kenneth Estrada Facebook Page

Previous
Next Post »