P1 Bilyong Pondo, Ilalaan Para sa DepEd Internet Program sa Paaralan

Bilang bahagi ng kagustuhan at layunin ng Department of Education na lalong mapaghusay ang sistema ng pagtuturo ng mga guro, at mapalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral, binigyang-diin ni DepEd Undersecretary for Administration Alain Pascua ang kahalagahan ng tamang paggamit ng teknolohiya sa bawat paaralan. Sa ulat ng Manila Bulletin, ipinahayag ni Pascua ang implementasyon ng proyektong "Internet Connectivity Program", na sisimulan sa may limang rehiyon. Ito ay kasunod nang nauna nang inilunsad na "DepEd Computerization Program".

Sa ilalim ng nasabing programa, palalawigin ang kaaalaman ng mga mag-aaral sa teknolohiya sa pamamagitan ng mga materyales na magbibigay ng "internet connection" sa paaralan, tulad halimbawa ng broadbands at satellites. Dagdag pa ni Pascua, plano nilang magpagawa ng "E-Classrooms" sa bawat eskuwelahan, kung saan ang mga tradisyonal na pisara ay papalitan umano ng digital boards, na magagamit ng mga guro at estudyante para sa mga presentasyon at educational videos. Sa mga computers na ipamamahagi ay mayroon na umanong nakapasok na hard disk kung saan nakapaloob ang mga learning materials at offline version ng portal ng DepEd, kaya't kahit umano walang internet ay maaari pa ring ma-access ang nasabing mga educational materials.

Samantala, upang proteksiyonan naman ang mga makabagong kagamitan para sa nasabing proyekto laban sa masasamang-loob na maaaring mag-interes, magpapaikot umano ng memorandum si DILG Assistant Secretary Jonatahn Malaya sa mga lokal na unit ng pamahalaan at mga barangay, para sa seguridad ng mga nabanggit na ICT equipments. Nagpahayag na rin ng suporta si Philippine National Police Director Eduardo Serapio Garado, sakaling magkaroon ng isyu ng pagkawala o pagnanakaw sa mga ito.

Ayon kay Pascua, P1 bilyon ang inilaang pondo para sa ikapagtatagumpay ng nasabing programa.

Napakagandang balita po nito, mga kababayan. Mahalagang sa paaaralan pa lamang ay mapaunlad na ng ating mga guro at mga mag-aaral ang kaalaman sa teknolohiya. Ngayong narito na tayo sa "Internet Age", importanteng mamulat na ang mga kabataan sa tamang paggamit ng makabagong teknolohiya na maaari nilang mapakinabangan sa maraming pagkakataon, hindi lamang sa pag-aaral, kundi bilang preparasyon na rin sa paghahanapbuhay pagdating ng tamang panahon.

Source: Manila Bulletin

Previous
Next Post »