Manggagantsong Travel Agent, Arestado! Biktima, Nawalan ng Higit sa Kalahating Milyon!

Mistulang maamong tupa ang itsura ng suspek na si Arlene Calbonero, may-ari ng isang travel agency, matapos siyang maaresto ng mga pulis ng QCPD sa isang entrapment operation, dahil sa reklamong panloloko ng isang kliyente, sa ulat ng GMA News.

Batay sa salaysay ng nagrereklamong biktima, nakilala niya ang suspek mula sa isang "common friend" kaya't mabilis siyang nagtiwala rito. Nagpa-book umano ang biktima sa Blissful Escapes Travel & Tours na pag-aari ng suspek patungong Mexico, na ireregalo niya sana sa kanyang inang magdaraos ng kaaarawan. Dagdag pa ng biktima, maayos naman daw na nakakaalis at nakakabalik ang kanilang kaibigan mula sa pamamasyal nito abroad, na nauna na nitong naging kliyente, kaya't pantatag ang loob niya noong una na hindi magkakaroon ng aberya.

Bagama't sa telepono at chat lamang daw sila nagkakausap ng suspek, buong tiwala siyang nagbayad dito ng halagang P250,000 para sa flight ng limang tao na Manila-Los Angeles-Mexico-San Francisco noong Enero. Nakaramdam daw siya ng pag-aalinlangan dahil April 11 na ang alis nila ngunit wala pang ibinibigay na detalye ng flight ang suspek.

"Kasi meron siyang binigay na booking sakin eh after kong nagbayad. So,chineck ko siya online, sabi ko ako na lang mag-o-online nu'ng seats ng Mommy ko saka namin, nag-i-invalid. Invalid booking reference. So tinext ko siya, sabi ko 'oy bakit invalid 'yung booking reference mo? Sabi niya, 'ako na bahala, may system ako sa computer ko na ako na magche-check-in sa inyo'. Tas tinatanong ko 'yung friend ko, sabi niya ganyan talaga yan siya rin ang nagbu-book sa'kin. So ako naman, tiwala lang ako," saad ng biktima.

'Di kalaunan ay umalma na ang biktima at nang humingi pa ng dagdag na P120,000 ang suspek para umano ayusin ang flights nila, kumilos na para sa isang entrapment operation ang QCPD. Huling-huli sa akto ang pagtanggap ng suspek ng nasabing pera nang makipagkita ito sa biktima. Sa kasamaang palad, hindi na nito maibalik ang naunang perang natangay nito mula sa kaawa-awang biktima.

Dagdag na sama pa ng loob ng biktima, nakapag-book na rin umano siya ng accommodations at transfers na aabot sa P450,000. Nasa P700,000 lahat ng nawala sa kanya dahil sa panlalamang na ginawa ng suspek sa kanya na labis niyang ikinapanlulumo. Naglaho na ngang parang bula ang masaya sana nilang bakasyon, higit kalahating milyon pa ang lumipad nang ganun kabilis.

Mga kababayan, maging mapanuri at maingat po tayo sa panahon ngayon. Hindi po masamaang magtiwala ngunit kilalanin po muna nating maigi ang mga taong nakakasalamuha natin, lalo't pinaghihirapan natin ang bawat sentimong ating kinikita.

Source: GMA News

Previous
Next Post »