Mag-Ina, Tinadtad ng SAKSAK ng 16-Anyos na Binatilyong Adik!

Nakahandusay, puno ng saksak, naliligo sa sariling dugo at wala nang buhay.

Ganito na inabutan ng mga awtoridad ang bangkay ng isang babae sa loob mismo ng kanyang tahanan sa Purok Maharlika, Roxas Ext. Digos City, Davao del Sur, sa ulat ng GMA News. Ang biktima ay nakilalang si Analiza Molde, 47-anyos. Walong saksak ang tumapos sa buhay ng kaawa-awang ginang. Ayon sa imbestigasyon, sugatan din ang anak nito na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital. Ang suspek umano sa karumal-dumal na krimen, isang binatilyong 16-anyos lamang, na kilalang kilala raw sa lugar na isang adik na sumisinghot ng solvent. Matagal na umanong problema sa nasabing lugar ang suspek na ayon sa mga kapitbahay ay paulit-ulit nang nadampot dahil sa pagsinghot ng rugby.

Ayon kay Digos City Police Superintendent Deozar Almasa, sa bintana raw dumaan ang suspek na si alyas "Kent", nagkaroon ng sagutan sa pagitan nito at ng may-ari ng bahay, at walang kaabug-abog nitong pinagsasaksak ang biktima hanggang sa mapatay. Sa testimonya naman ng ilang kapitbahay, nabanggit ng mga ito na dati nang nagsabi ang biktima na biglaan na lamang daw pumapasok ang binatilyong suspek sa kanilang bahay.

Aminado ang mga lolo at lola ng nasabing suspek na gumagamit ng solvent ang kanilang apo. Nang araw na mangyari ang krimen, bigla na lang daw itong umalis ng bahay. Sa follow-up operation ng mga pulis nadakip ang suspek, matapos makita ang mismong t-shirt na suot nito sa lugar na pinangyarihan ng krimen, na katulad umano ng suot nito sa isang larawan.

Haharap sa kasong murder at frustrated murder ang nasabing suspek pero dahil menor de edad pa ito, pansamantala siyang nasa kustodiya ng Social Welfare Department.

Isang inosenteng buhay na naman ang nasayang sa kamay ng isang adik na wala pa sa hustong gulang. Isang anak ang nawalan ng magulang dahil sa walang pusong nilalang. Hanggang kailan kaya magiging "dahilan" ng mga kabataang ito ang pagiging "menor de edad" para makagawa ng ganitong klaseng krimen, nang hindi natatakot sa mabigat na kaparusahang kapalit? Kasabay ng pagkilos ng pamahalaan sa pinaigting na gyera kontra droga, panahon na rin ba upang ibaba ang "Age of Criminal Liability"? Ano sa palagay ninyo mga kababayan?

Source: GMA News

Previous
Next Post »