Isang Lalaki sa Taguig, Patay Dahil umano sa "Masamang Titig"!

Madalas na ipinaaalala sa publiko na maging mahinahon sa lahat ng pagkakataon. Mapa-away-trapiko, o kahit naglalakad ka lamang sa kalsada, mahalagang huwag pairalin ang init ng ulo dahil maaari itong pagmulan ng matinding alitan at ang mabigat, kung minsan, nauuwi pa sa kamatayan.

Sa ulat ng ABS-CBN News, isang lalaki ang napatay matapos umanong undayan ng saksak ng lalaking nakatitigan lamang nito sa daan, habang binabaybay ang kalye ng MRT Avenue sa Taguig, madaling araw ng Lunes. Ang biktima ay nakilalang si Feljun Fuentes.

Ayon sa salaysay ni John Musguerra, kaanak ng biktima na kasabay niya ring naglalakad nang maganap ang krimen, naglalakad umano sila noon nang makasalubong ang isang lalaking may kasamang babae. Nagkataninginan umano si Fuentes at ang lalaki at laking gulat nila nang bigla na lang nitong pagsasaksakin ang biktima sa dibdib hanggang mapatay ito. Tinangka pa umanong tulungan ni Musguerra ang kanyang kaanak subalit sinipa umano siya ng suspek kaya't hindi niya nasaklolohan ang biktima.

Sakto namang may isang sibilyang pulis na noon ay nasa lugar, at agad na rumesponde kaya't madaling naaresto ang suspek. Giit ng suspek na haharap sa kasong homicide., "self-defense" lang umano ang nangyari dahil aniya, lasing umano ang biktimang si Fuentes nang makasalubong nila sa daan at binangga siya nito. Kasama niya raw ang kanyang nobya noon kaya't nagawa lang niya umano iyon upang ipagtanggol ang kanilang sarili. Saad pa ng suspek, maraming lasing sa lugar na iyon, dahilan kung bakit may dala siyang patalim.

Munting paalala po mga kababayan, palagi po tayong mag-doble ingat, at hangga't maaari ay sikaping maging kalmado. Minsan, hindi natin inaasahan na ang simpleng pagtatalo, buhay ang nagiging kapalit.

Source: ABS-CBN News

Previous
Next Post »