Engineer, Pinatay! Nobya ng Engineer, Ginahasa! Suspek, Arestado! Naging Maamong Tupa!

Isa na yata ang walang awang taong ito sa pinakamaraming nagawang krimen sa loob lamang ng isang gabi-tama, isang gabi kung kailan maraming buhay ang kanyang sinira.

Sa ulat ng Manila Bulletin, arestado ang suspek na si Salvador Rin Abraham Jr, 30-anyos, tagapangalaga ng palaisdaan at nakatira sa Bgy. Masile sa Calamba, Laguna.

Ayon sa imbestigasyon, Biyernes, 9:45 ng gabi, katatapos lamang maghapunan noon sa isang restawran sa Barangay Real, Calamba ang biktimang nakilala sa pangalang Jethro Vega Masicat, 37 anyos, kasama ang kanyang kasintahan. Bigla na lamang umanong sumulpot ang suspek na si Abraham habang papunta na si Masicat sa kanyang nakaparadang kotse, at walang kaabug-abog na binaril ito sa ulo na kaagad nitong ikinamatay. Dali-dali umanong sumakay si Abraham sa kotse habang tinututukan ang kasintahan ni Masicat na noo'y gulat na gulat, papasok sa loob ng kotse. Ginahasa umano ng suspek ang kaawa-aawang babae sa loob ng sasakyan habang tinututukan ng baril. Pagkatapos nito ay tinangay pa ang babae gamit ang sasakyan ng mga biktima papaunta sa Batangas.

Hindi pa nakuntento, habang nasa daan umano, may nakaalitaang drayber ng bus ang suspek at agad din nitong binaril.

Mabuti na lamang at naiulat na ang nawawalang sasakyan ni Masicat sa pulisya na may plakang EO-1613, at kaagad na nag-utos ng "road lockdown" ang mga awtoridad sa ilan pang istasyon ng pulisya sa Laguna.

Doon na nasukol ng mga pulis si Abraham at sa pangunguna ni Senior Inspector Alma Gapunan, Deputy Chief of Police ng Alaminos, nakumbinsi si Abraham na sumuko at pakawalan ang hinostage nitong kasintahan ni Masicat, at isa pang nagngangalang Raffy Malaran, 11:30 ng gabi. Na-recover sa kanya ang isang M-11 submachine gun. Patung-patong na kasong kriminal ang ipapataw sa suspek, at kasalukuyan na ring inaaalam ang pangunahin nitong motibo sa kanyang ginawa.

Kung anuman ang tumatakbo sa isip ng ganitong klaseng tao habang ginagawa niya ang karumal-dumal na krimen, nawa ay mabigyan ng hustisya ang mga kawawang biktima niya at maipataw sa kanya ang karampatang parusa. Walang taong nasa matinong kaisipan ang kayang pumatay nang parang normal lang at manggahasa pa. Sa mga ganitong kaso, malinaw ang pagyurak sa karapatang pantao. Ano'ng klaseng parusa ang dapat ipataw sa kanya, kung kayo ang tatanungin mga kababayan?

Source: Manila Bulletin | GMA news

Previous
Next Post »