Aviation Authority Official, Nangikil umano sa Religious Group, Sibak ang Inabot kay Tugade!

Sinibak sa kanyang puwesto sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) si dating Philippine Airforce Col. Rodolfo Moral ngayong araw, April 22. Ayon sa post ng Department of Transportation-Philippines social media page, kaagad umanong pinatalsik ni Transportation Secretary Arthur Tugade si Moral dahil sa hinihinalang "extortion activities" nito.

Nangingikil umano si Moral sa isang religious group ng salapi, kapalit umano ng airworthiness certification. Noong una ay nagbigay umano ang nasabing grupo at sumunod sa hinihiling ni Moral subalit kalauna'y humingi pa raw ito ng dagdag. Doon na raw nagpasya ang religious group na humingi ng tulong mula sa iba pang airworthiness inspector, na siya namang nagparating sa management ng insidente. Agad na kumilos at nag-imbestiga ang CAAP at nang makumpirmang paulit-ulit na umano itong ginagawa ni Moral, nagpasya na silang tanggalin ito sa puwesto.

Ayon kay CAAP Director General Capt. Jim Sydiongco, gusto raw nilang ipaalam sa publiko at sa kanilang ahensiya na kailanman ay hindi umano nila kukunsintihin ang anumang uri ng korapsyon. Tinawag niya rin itong "unethical" na aniya'y kailangan nang ihinto.

Samantala, dismayado naman si Tugade sa sunud-sunod na kaso ng anumalyang nahahayag ng ilang empleyado, sa kabila ng mahigpit niyang pagpapaalala at babala sa mga ito.

"Walang puwang sa departamento ko at sa administrasyon ni Pangulong Duterte ang mga corrupt! Hindi alam ng mga gaya ninyo ang tunay na kahulugan ng serbisyo publiko,"ani Tugade.

"Kung hindi niyo kayang maging tapat sa serbisyo, umalis na lang kayo. Huwag niyo nang hintaying mahuli ko kayo dahil hindi ko kayo sasantuhin. One-strike policy tayo at habang nandito ako, hindi ko hahayaan na mamerwisyo kayo,"dagdag pa ng DOTr Secretary.

Posible umanong maharap sa kasong kriminal si Moral sa paglabag nito sa Corrupt Practices Act.

Sa kabila ng sama-samang pagkilos ng pamahalaan at ng mga sangay nito upang labanan ang korapsyon, may mangilan-ngilan pa rin talagang hindi nagpapatinag. Ano'ng masasabi niyo rito, mga kababayan?

Source: Department of Transportation-Philippines Facebook Page Post | DOTr Archive post

Previous
Next Post »