Anak ng Tindero sa Tapat ng Eskuwelahan, Nagtapos na Magna Cum Laude!

Minsan na namang napatunayan na hindi hadlang ang kahirapan ng buhay sa isang taong may matibay na determinasyon at pagpupursigi para makamit ang inaasam-asam na tagumpay.

Isang babaeng anak ng tindero sa may tapat mismo ng kanilang eskuwelahan ang nagtapos nang may mataas na karangalan noong nakaraang Miyerkules, sa isinagawang Bacolod City College (BCC) 18th Commencement Exercises sa SMX Convention Center.

Si Chrisma Jane Manalo, 20 anyos, ay ang kaisa-isang nagtapos bilang Magna Cum Laude sa kanyang kursong Bachelor of Secondary Education Major in Mathematics, mula sa BCC. Sa kabuuan ay may 907 na mag-aaral ang nagtapos kasabay ni Manalo noong araw na iyon.

Lubos ang pasasalamat ni Manalo, isang iskolar ng Comission on Higher Education (CHED), sa karangalang kanyang natanggap. Aniya, iniaalay niya ito sa Panginoon, sa kanyang paaralan,at lalung lalo na sa kanyang mga magulang na nagsumikap upang matulungan siyang abutin ang kanyang pangarap.

Tatlo umano silang magkakapatid na naiwan ng namayapa nilang ama noong nasa Elementarya pa lamang siya. Mag-isa silang itinaguyod ng nabiyudang ina sa pamamagitan ng pagtitinda ng "native" na pagkain sa tapat ng kanilang paaralan.

Sana ay pamarisan si Manalo ng lahat ng kabataang kung minsan ay halos mawalan ng pag-asang makatapos ng pag-aaral dahil na rin sa kahirapan. Kung sasamahan ng sipag, tiyaga at buong puso ang kahit na ano'ng bagay o hangarin, palagi itong isang hakbang patungo sa mas magandang kinabukasan.

Source: PTV

Previous
Next Post »